Tiniyak ng Professional Regulation Commission o PRC na kwalipikado ang mga kinukuhang watchers sa tuwing nagsasagawa ng pagsusulit.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Jesalee Saranay, ang Supervising Professional Regulations Officer ng PRC Cauayan City sinabi niya na hindi kaya ng mga empleyado ng PRC ang dami ng mga exam takers dahil sa kaunti nilang bilang kaya kinakailangan nilang maghire ng mga watchers.
Pangunahing hina-hire ay mga guro sa lungsod ng Cauayan at upang matiyak na sila ay kwalipikado ay nagsasagawa sila ng pagsasanay sa mga ito.
Magkakaiba aniya ang trabaho nila dahil kailangang magkakaiba ang mga magbibigay at tatanggap ng test papers ng mga examinees.
Iba rin ang trabaho ng mga floor supervisors at watchers sa kasagsagan ng pagsusulit.
Maliban sa paghahanda sa mga magmamando sa pagsusulit ay nagsasagawa rin sila ng ocular inspection sa mga schools na pagdarausan ng exams.
Samantala ipinagpaliban ng PRC ang pagsasagawa ng LEPT sa Region 2, Region II at CAR noong September 21,2025.
Ang desisyong ito ay bunsod ng masamang lagay ng panahon at isinasaalang-alang ang kalusugan at kaligtasan ng mga kukuha ng pagsusulit pati na rin ang mga tauhang itatalaga sa mga testing centers.











