Aminado ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela sa napakababang presyo ngayon ng palay na ibinebenta ng mga lokal na magsasaka sa lalawigan, na umaabot na lamang sa ₱8 hanggang ₱10 kada kilo.
Ito ay kasunod ng pahayag ni Senador Robin Padilla, na nagsabing nakatanggap sila ng liham mula sa mga magsasaka sa Isabela na umaaray dahil sa naturang mababang presyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Vice Governor Kiko Dy, sinabi niyang hindi lingid sa kanilang kaalaman ang mga pinagdaraanan ng mga lokal na magsasaka sa kabila ng mga nagdaang sama ng panahon.
Aminado rin siya na walang sapat na kakayahan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela na bilhin ang lahat ng inaning palay ng mga magsasaka sa lalawigan.
Gayunpaman, sinisikap pa rin umano ng pamahalaan na makatulong sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbili ng kanilang ani sa makatwirang presyo, na kalaunan ay ibebenta rin sa mas murang halaga para sa mga mamimili.
Paliwanag ni Vice Governor Dy, ang presyo ng palay ay hindi lamang nakasalalay sa iisang tao, kundi sa maraming aspeto gaya ng supply and demand at presyo sa pandaigdigang merkado.
Ayon pa sa kanya, may ginagawa silang mga hakbang tulad ng pakikipagtulungan sa National Food Authority (NFA) upang mabili ang palay sa mas mataas na presyo. Gayunpaman, hindi umano maalis ang agam-agam ng publiko sa patuloy na isyu ng korapsyon sa loob ng NFA, kung saan piling indibidwal lamang ang nakakapagbenta ng ani, at karaniwang sangkot pa ang mga malalaking trader.
Dagdag pa niya, limitado rin ang kakayahan ng NFA, dahil 2% lamang ng kabuuang produksyon ng palay sa lalawigan ang kaya nitong bilhin, na katumbas ng 780,000 cavans at noong dry season, nakabili na ang NFA-Isabela ng 500,000 cavans.
Bukod dito, tinaasan na rin ng NFA ang natitirang alokasyon ng lalawigan hanggang 100,000 cavans.
Bumuo rin ang Pamahalaang Panlalawigan ng sistemang titiyak na ang makikinabang sa pagbili ng mas mataas ng presyo ng palay ay mga smallhold farmers. Sa ngayon hinihintay pa ang listahan mula sa mga LGU, kung saan prayoridad ang mga magsasakang may sinasakang 0.5 ektarya pababa para masimulan muli ang pagbili ng aning palay ng mga ito.
Tiwala naman si Vice Governor Dy na sa pagtalakay ng pambansang pondo, matututukan ang sektor ng agrikultura, lalo na sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Bojie Dy, na kilala sa pagiging pro-magsasaka.
Samantala, tiniyak ni Vice Governor Dy na nagpapatuloy ang imbestigasyon laban sa mga anomalya kung mayroon man sa loob ng NFA. Hinikayat niya ang mga magsasaka at ang publiko na magbigay ng kanilang salaysay upang makapagsampa ng kaukulang kaso at masugpo ang katiwalian.











