Imumungkahi ng Provincial Government ng Isabela kay House Speaker Bojie Dy na mabigyang pansin na ang kasalukuyang presyo ng palay sa Lalawigan ng Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Gov. Rodito Albano, sinabi niya na ipinapanawagan na rin nila ngayon na sana ay mapag-tuunan na ang presyo ng palay dahil sa bumabagsak na ang presyo ng palay sa Lalawigan.
Sa ngayon planong muli ng Provincial Government na ipagpatuloy ang pagbili ng palay ng mga magsasaka na bibilin sa makatwirang presyo na 20 pesos per kilo.
Para mabigyan ng tugon ang kakulangan ng bodega ay plano narin nila na mag renta ng mga government assests na naremata na sa bangko para magsilbing imbakan para sa gagawing palay procurement.
Nang tanungin kaugnay sa liham ng mga magsasaka ng Isabela na ipinadala kay Sen. Robin Padilla sinabi ni Gov. Albano na hindi pa niya ito nakikita gayunman iginiit niya na ang tanging magagawa lamang ng mga senador ay idulog ang usapin sa kinauukulang ahensya.
Dapat aniya sa gitna ng problema sa mababang presyo ng palay ay maisulong ang pagdadagdag ng pondo para sa palay procurement ng NFA at LGU.
Sa katunayan aniya ay mayroon namang naka antabay na loan ang Provincial Government na gagamitin sana sa kanilang palay procurement subalit aminadong limitado ang bodega na maaaring pag-imbakan ng bibiling bigas.










