Pinag-iigting ng Pamahalaang Lungsod ng Cauayan ang mga hakbang para sa posibilidad ng pagtatayo ng isang factory na layong magbigay ng dagdag na oportunidad sa hanapbuhay para sa mga residente.
Ayon kay Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr., nakikipag-ugnayan na ang kanyang tanggapan sa isang grupo mula sa ibang bansa, gayundin sa ilang lokal na negosyante na nagpapakita ng interes na magbukas ng factory sa lungsod. Inaasahang magbubukas ito ng mas maraming trabaho, lalo na para sa mga walang permanenteng kabuhayan.
Ipinaliwanag ng alkalde na mahalagang magkaroon ng ganitong uri ng pasilidad sa Cauayan, dahil bukod sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya, makapagbibigay rin ito ng dagdag na kita para sa maraming pamilya.
Hinikayat din ni Dy ang mga magsasakang nais makahanap ng alternatibong kabuhayan na maghanda at subukang mag-apply sakaling matuloy ang proyekto, upang magkaroon sila ng karagdagang mapagkakakitaan bukod sa pagsasaka.
Samantala, binigyang-diin ng alkalde na hindi saklaw ng lokal na pamahalaan ang kapangyarihan sa pagtataas ng presyo ng palay—isang patuloy na reklamo ng mga magsasaka sa lungsod. Aniya, ito ay isang usaping dapat tugunan ng pambansang pamahalaan.
Kaugnay nito, nanawagan si Mayor Dy sa pambansang pamahalaan na kumilos at gumawa ng konkretong hakbang upang matugunan ang matagal nang hinaing ng mga magsasaka.











