Sa halip na makita ang sinseridad at bigat ng sitwasyon, tila nakahanap pa ng pagkakataon si Cezarah “Sarah” Discaya para gawing biro ang seryosong imbestigasyon ng Department of Justice. Ang kanyang finger heart sign at pahayag na “Gandahan niyo ’yung memes ko” ay hindi simpleng biro lamang, ito ay malinaw na larawan ng insincerity at complacency na binanggit mismo ng DOJ.
Sa isang bansa kung saan bilyong pisong pondo ang nawawala sa mga maanomalyang flood control projects, ang ganitong asal ay hindi dapat palampasin. Ang imbestigasyon ay hindi entablado ng pagpapatawa, kundi isang pagkakataon para panagutin ang mga sangkot at ibalik ang tiwala ng taumbayan. Kung ganito ang ipinapakitang asal ng mga taong nasa Witness Protection Program at nais pang maging state witnesses, paano natin matitiyak na sila’y nagsasalita para sa katotohanan at hindi para sa sariling kapakinabangan?
Sa puntong ito, malinaw na hindi lang dokumento at testimonya ang sinusukat sa mga imbestigasyon, kundi pati na rin ang kredibilidad at respeto ng mga taong sangkot. Kung ang inasal ni Discaya ay pagbabatayan, isa itong paalala na ang laban kontra korapsyon ay hindi lamang nakasalalay sa ebidensya kundi sa karakter ng mga taong humaharap sa hustisya.
Higit pa rito, ang ganitong asal ay tila paglapastangan sa mga ordinaryong Pilipino na araw-araw nagbabayad ng buwis at umaasa na ang pondong iyon ay gagamitin para sa tunay na proyekto, hindi sa bulsa ng iilan. Ang mga pagbibirong tulad nito ay parang sampal sa mukha ng publiko, isang pagpapakita ng kawalan ng malasakit at respeto sa bayan.
Kung talagang nais ni Discaya at ng kanyang mga kasama na maging bahagi ng solusyon at hindi ng problema, dapat nilang ipakita ang kababaang-loob at integridad na nararapat sa isang state witness. Ang finger heart ay maaaring simbolo ng kasiyahan sa ibang konteksto, pero sa gitna ng isang imbestigasyong tumataya ng kinabukasan ng bansa, isa itong insulto.
Ang sambayanan ay pagod na sa palabas, sa drama, at sa mga biro sa gitna ng malubhang anomalya. Ang kailangan ay malinaw na pananagutan, hindi finger heart.











