--Ads--

Matapos ang limang sunod-sunod na committee hearings simula pa noong 2018, muling binigyang-diin ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan ang matagal nang problemang dulot ng pagdami ng langaw mula sa ilang poultry farm sa lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Councilor Paolo “Miko” Delmendo, inilahad niyang patuloy nilang natatanggap ang mga reklamo mula sa mga residente ukol sa pagdami ng langaw na pumapasok sa mga tahanan, nagdudulot ng sakit, at maging pagkamatay ng ilang alagang hayop.

Dahil dito, ipinatawag ng konseho ang mga poultry owners, kasama ang City Sanitation Office at City Planning Office, upang tuldukan na ang naturang problema. Ayon kay Delmendo, siniguro nilang ito na ang huling pagdinig ukol sa isyu, at nagpasya na silang ipatupad ang temporary closure sa mga poultry farm na hindi sumusunod sa itinakdang pamantayan.

Kabilang sa mga pangunahing nirereklamo ay ang mga poultry farm sa Barangay Marabulig 1 at Forest Area ng Barangay Gappal. Apektado rin maging ang mga karatig-barangay sa loob ng 10-kilometrong radius mula sa mga ito.

--Ads--

Batay sa rekomendasyon ng City Council, agad na ipinatigil ang operasyon ng mga pasaway na poultry farm. Iniatas din sa City Sanitation Office ang pagpapadala ng opisyal na liham para sa pagpapatupad ng closure.

Ipinaliwanag ni Delmendo na ang pangunahing problema ay ang kakulangan ng tamang management sa mga poultry. Wala umanong sapat na disinfection at spraying matapos ang bawat harvest, at hindi agad nililinis o tinatanggal ang mga dumi ng manok. Sa halip, tuluy-tuloy lamang ang reloading ng manok, kaya’t lalong dumarami ang langaw.

Giit ng konsehal, hindi maaaring ipagpatuloy ang operasyon ng alinmang poultry farm kung hindi ito susunod sa mga itinakdang sanitation standards. Kabilang sa mga kinakailangang gawin ay ang agarang paglilinis, pagdi-disinfect, at pag-spray matapos ang harvest, at ang hindi agad pagre-reload ng manok hangga’t hindi lumilipas ang isang linggo.

Nagbabala rin si Delmendo na kung hindi susunod ang mga poultry owner, pare-pareho silang mauutusan ng temporary closure na agad ipatutupad ng mga awtoridad.

Aniya, ang maayos na pamamahala sa operasyon ng mga poultry ang susi upang hindi na maulit ang problema, at tuluyan nang maibsan ang matagal nang reklamo ng mga residente ng Cauayan.