--Ads--

Nakatakdang magsagawa ng Tree Planting Activity ang City Environment and Natural Resources Office (CENRO) katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) bilang bahagi ng pagdiriwang ng Bamboo Month.

Ayon kay Engr. Alejo Lamsen, ENRO Officer, ang naturang aktibidad ay gaganapin sa Water Impounding Area ng Brgy. Sinippil kung saan itatanim ang kabuuang 500 propagules ng kawayan na ibinigay ng DTI.

Bukod dito, kasama rin sa mga itatanim ang mga seedlings na nakolekta mula sa mga mag-asawang ikinasal sa lungsod, dahil bahagi ng requirements ang pagbibigay ng 2 hanggang 120 seedlings sa bawat kasalan. Hinikayat din ni Lamsen ang mga Cauayeño na kung may karagdagang seedlings, maaari itong i-donate sa kanilang tanggapan upang maalagaan sa greenhouse, kahit pa maliit lamang ang mga ito

Binibigyang-diin din niya na pinakamainam kung kawayan ang idodonate dahil malaki ang maitutulong nito sa pag-unlad ng mga produktong gawa sa lungsod gaya ng souvenirs at tela mula sa kawayan.

--Ads--

Dagdag pa ni Lamsen, nagpalabas ng memorandum ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nag-uutos na magkaroon ng hindi bababa sa 10% Green Area ang bawat establisimyento. Kung walang green area, kailangan nilang makibahagi sa mga tree planting activities ng lungsod.

Kasunod nito, inanunsyo rin na magkakaroon pa ng iba pang tree planting activities sa Oktubre 6, Nobyembre 30, Disyembre 30, at sa selebrasyon ng Cityhood ng Cauayan.