--Ads--

Maaari pa ring imbitahan ng Senado bilang resource speaker si former Ako Bicol Representative Zaldy Co kahit na nagbitiw na ito sa pwesto bilang isang kongresista.

Ito ang inihayag ng isang law proffesor matapos mag-resign ang naturang mambabatas kahapon sa gitna ng mga alegasyong ibinabato sa kaniya na may kaugnayan sa korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, Law Professor, sinabi niya na ang resignation ni Co ay walang epekto sa criminal liability nito sakaling mapatunayang siya ay nagkasala kaya maaari pa rin siyang sampahan ng kaso.

Gayunpaman, dahil hindi na siya kongresista ay mawawalan na ng hurisdiksyon ang Ethics Committee sa pagbibigay ng kaparusahan o disciplinary action sa miyembro ng Kongreso na mapatutunayang lumabag sa batas.

--Ads--

Hindi na rin obligado si Co na sumunod sa kautusan ni House Speaker Bojie Dy III na umuwi ng Pilipinas sa maliban na lamang kung mayroon nang warrant of arrest na inilabas laban sa naturang kongresista.

Magiging problema lang aniya para sa pamahalaan na mapauwi ito sa Pilipinas kung sakaling magtago ito sa isang bansa na walang extradition treaty ang Pilipinas.

Dahil sa dating representative si Co ng isang partylist, ay maaari siyang palitan ng sumunod na nominee ng Ako Bicol Partylist.