Mariing tinutulan ng Bayan Muna Chairperson at abogado ng mga biktima na si Atty. Neri Colmenares, kasama ang mga kaanak ng mga pinaslang sa war on drugs, ang posibilidad ng interim release ni dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa International Criminal Court (ICC).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, iginiit ni Colmenares na may dalawang pangunahing dahilan kung bakit tutol sila dito.
Una, nakasaad sa rules ng ICC na ang isang akusado ay maaari lamang marelease kung hindi nito matitreaten ang proceedings o imbestigasyon. Aniya, kung makalalaya si Duterte, lalo lamang titindi ang panggigipit at atake laban sa mga pamilya ng biktima at sa kanilang mga abogado. Dagdag pa niya, posibleng mawalan ng loob ang mga pulis, kongresista, at iba pang testigo na lumabas at magsalita dahil sa pangamba sa kanilang seguridad.
Pangalawa, ayon kay Colmenares, isa ring kondisyon ng ICC na ang marelease na akusado ay dapat sumunod sa utos ng korte at bumalik kapag may hearing o trial. Subalit, aniya, hindi kinikilala ni Duterte ang ICC at maging noon ay nilalait pa niya. Dahil dito, duda silang kusang babalik ang dating pangulo sa paglilitis lalo pa at alam umano nitong malaki ang posibilidad na siya ay makondena.
Dagdag ni Colmenares, malinaw na ang taktika ni Duterte ay delay tactics upang mapahaba ang proseso at maiwasan ang trial. Aniya, kabilang sa mga ginawa nito ang paghiling ng interim release, pagdedeklara ng disqualification sa mga hukom at prosecutor, at ang pinakahuli ay ang pagpapostpone ng confirmation hearings na pawang nakakapag-antala sa pag-usad ng kaso.
Giit ng abogado, walang maisusumiteng ebidensya si Duterte na magpapatunay na wala siyang kinalaman sa extrajudicial killings (EJK) at sa war on drugs, at ito mismo ang dahilan kung bakit aniya natatakot siyang humarap sa trial.
Bilang susunod na hakbang, inihayag ni Colmenares na magsasampa sila ng motion sa ICC upang magtakda ng panibagong petsa ng confirmation of charges hearing, na hanggang ngayon ay wala pang nakatakdang iskedyul. Aniya, halos siyam na taon na ang lumipas mula nang masawi ang mga biktima noong 2016–2017, ngunit hanggang ngayong 2025 ay wala pa ring nakukumpirmang kaso.
Kasabay nito, kanila ring io-oppose ang postponement na hiningi ng kampo ni Duterte dahil sa umano’y karamdaman nito. Paliwanag ni Colmenares, hindi dapat ito maging batayan para ipagpaliban ang confirmation of charges dahil hindi ito trial kung saan maaaring gamiting depensa ang “unfit for trial.” Sa halip, ito ay simpleng proseso lamang para tukuyin kung may sapat na batayan ang mga kaso laban sa dating pangulo.
Umaasa si Colmenares at ang mga biktima na maitakda ang confirmation of charges bago matapos ang taong ito, dahil matagal nang ipinagkakait sa kanila ang hustisya.
Samantala, kaugnay sa naging welfare check ng Philippine Embassy kay Duterte sa detention facility sa The Hague, sinabi ni Colmenares na wala silang nakikitang problema rito. Paliwanag niya, normal na gawain ito ng mga embahada sa mga nakakulong na mamamayan sa ibang bansa at may pahintulot naman ng dating pangulo. Aniya, pinalalaki lamang ito ng mga Duterte upang ilihis ang usapan mula sa tunay na isyu, ang kaso ni Duterte sa ICC.








