Ganap nang isang bagyo o tropical depression ang Low Pressure Area na nasa karagatang sakop ng Southeastern Luzon.
Ito ay tatawaging bagyong “Paolo.”
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 760km Silangan ng Virac, Catanduanes.
Taglay nito ang lakas ng hangin na 45km/h at pagbugsong aabot ng 55km bawat oras habang kumikilos pa-westward sa bilis na 25km/h.
Sa ngayon ay wala pang nakataas na tropical cyclone wind signal sa alinmang lugar sa bansa ngunit ngayong hapon o mamayang gabi ay maaari nang itaas ang signal number 1 sa Hilaga at gitnang bahagi ng Luzon.
Sa susunod na 24 oras ay hindi pa gaanong mararamdaan ang epekto ng bagyong Paolo subalit sa araw ng Biyernes, ika-3 ng Oktubre ay magsisimula nang makaranas ng mga pag-ulan sa Northern at Central Luzon.
Patuloy naman itong lalakas habang nasa karagatang bahagi ng bansa at maaari nitong maabot ang severe tropical storm category Biyernes ng umaga. Hindi rin inaalis ang posibilidad na mabuo ito bilang isang Typhoon bago tumama sa kalupaan.
Batay sa forecast and intensity outlook ng bagyong Paolo, maaari itong mag-landfall sa Isabela o di kaya’y sa Northern Aurora sa Biyernes ng umaga o hapon.
Gayunman, hindi inaalis ang posibilidad ng pagbabago ng track nito.











