--Ads--

Umabot na sa ₱796.2 milyon ang kabuuang pinsala sa sektor ng agrikultura sa Region 2 matapos ang pananalasa ng Bagyong Nando.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Paul Vincent Balao, Regional Corn Program Coordinator ng Department of Agriculture Region 2 sinabi niya na apektado ang kabuuang 26,889.21 ektarya ng mga sakahan.

Sa bilang na ito, 4,107.21 ektarya ang tuluyang nasira habang 22,781.99 ektarya naman ang bahagyang nasira at may posibilidad pang makabawi.

Pinakamalaking pinsala ang naitala sa palay, kung saan 3,704 ektarya ang tuluyang nasira at 13,463 ektarya ang bahagyang naapektuhan, na may kabuuang halaga ng pinsala na ₱559.36 milyon. Sa mais naman, 283.7 ektarya ang tuluyang nasira at 9,167.72 ektarya ang bahagyang nasira, na katumbas ng ₱188.35 milyon na halaga ng pinsala.

--Ads--

Sa kasalukuyan, naitala sa rehiyon ang 101,000 ektarya ng palay sa maturity stage, 117,000 ektarya sa reproductive stage, 27,000 ektarya sa vegetative stage, at 62.8 ektarya sa seeding stage. Sa mais, mayroong 162,589 ektarya sa maturity stage, 37,848 ektarya sa reproductive stage, at 93 ektarya sa vegetative stage. Para naman sa high-value crops, 25,771 ektarya ang nasa maturity stage, 35,000 ektarya sa reproductive stage, 14,149 ektarya sa vegetative stage, at 4,689 ektarya sa seeding stage.

Isabela ang nananatiling pinakaapektadong lugar dahil ito ang pangunahing production area ng rehiyon. Ayon kay Balao, ang palay na nasa reproductive at maturity stages ay labis na sensitibo sa malalakas na hangin, kaya pinapayuhan ang mga magsasaka na anihin na agad ang kanilang mga pananim kung maaari, bago pa maabutan ng Bagyong Paolo na kasalukuyang binabantayan.

Dagdag pa ni Balao, bagaman may posibilidad pang makaligtas ang ilang pananim depende sa galaw ng bagyo, mahalaga ang maagang paghahanda. Para sa mga nagtatanim ng mais, muling ipinaalala ng DA ang paggamit ng de-topping technology o ang pagputol ng isang pulgada ng bahagi ng halaman sa ibabaw ng bunga upang maiwasang tumumba sa malakas na hangin.

Hinihikayat ang mga magsasaka na lumapit sa kanilang Municipal Agricultural Officers para sa tamang paggabay at aplikasyon ng teknolohiyang ito.

Samantala nagsimula na ang pamamahagi ng tulong sa mga apektadong magsasaka, habang kasalukuyan namang isinasagawa ang validation para sa mga susunod na hakbang. Nakahanda rin aniya ang ahensya na magbigay ng karagdagang suporta pagdating ng dry season.