Mahigit 400 sa 600 health centers na itinayo ng Department of Health (DOH) sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) ang nananatiling hindi nagagamit, ayon sa ginanap na deliberasyon para sa panukalang ₱253-bilyong budget ng ahensya para sa taong 2026.
Kinuwestiyon ni Akbayan Rep. Chel Diokno ang mababang bilang ng gumaganang pasilidad, sa kabila ng halos ₱170 bilyong pondo para sa imprastruktura at kagamitan sa nakalipas na dekada. Kapag isinama ang pondo para sa tauhan at suplay, umaabot ito sa ₱400 bilyon.
Tinukoy ni Diokno ang pahayag ni Health Secretary Teodoro Herbosa na inihalintulad ang HFEP sa flood control program ng DPWH—maraming proyekto ngunit kaunti ang aktwal na gumagana.
Ipinaliwanag ni Bataan Rep. Albert Garcia, sponsor ng DOH budget, na ang mga pasilidad ay umiiral ngunit hindi gumagana dahil sa kakulangan ng mga doktor, nars, at midwife. Aniya, nakipagkasundo ang DOH sa mga lokal na pamahalaan upang magtalaga ng tauhan, ngunit posibleng kulang ang pondo ng ilang LGU.
Binatikos ni Diokno ang DOH sa kabiguan nitong tugunan ang mga suliranin sa implementasyon ng HFEP, na aniya’y nagdudulot ng kawalan ng access sa serbisyong pangkalusugan para sa mga mahihirap.
Bilang tugon, inilunsad ng DOH ang “catch-up plan” noong ikalawang bahagi ng 2025, kabilang ang pagbubukas ng 55 Bagong Urgent Care and Ambulatory Service centers habang naghihintay ng tauhan ang mga nakatenggang pasilidad.
Ayon sa datos ng DOH, may 41,963 health facilities sa bansa hanggang Marso 2025. Sa mga ito, 8.6% ng barangay health stations, 2.6% ng rural health units, at 31.5% ng ospital ay pinondohan ng HFEP.
Ang HFEP, na sinimulan noong 2008, ay layong palawakin ang access sa serbisyong medikal sa mga liblib at mahihirap na komunidad. Ngunit matapos ang mahigit isang dekada, nananatiling hamon ang aktwal na pagpapatakbo ng mga pasilidad na itinayo sa ilalim ng programa.











