--Ads--

Isinagawa ngayong araw sa Lungsod ng Cauayan, Isabela ang benchmarking activity ng mga delegado mula sa Lucena City, Quezon Province upang pag-aralan ang mga best practices ng Cauayan City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) sa larangan ng rescue at disaster response.

Bilang bahagi ng aktibidad, itinayo sa harap ng City Hall ang Mobile Command Center ng Rescue 922 , isa sa mga ipinagmamalaking kagamitan ng Cauayan na magsisilbing modelo para sa benchmarking ng mga bisitang rescuer mula sa Lucena City.

Kasama sa programa ang pagpapakita ng mga kagamitan, paghahanda, mga hakbang sa aksyon, at post-disaster risk assessment na regular na isinasagawa ng Cauayan tuwing may bagyo o kalamidad. Layon nito na maipakita kung gaano kahanda ang lungsod ng Cauayan upang magsilbing huwaran sa iba pang mga lokal na pamahalaan na nais magpatupad ng epektibong disaster preparedness at response.

Samantala, kasabay ng aktibidad, naghahanda na rin ang CDRRMC Cauayan para sa posibleng epekto ng Bagyong Paolo. Nitong nakaraang araw, nagsagawa ng pre-disaster risk assessment (PDRA) ang konseho, alinsunod sa direktiba ng CDRRMO Cagayan, at inangkop ito para sa Cauayan upang matukoy ang mga barangay na posibleng maapektuhan ng malakas na ulan at hangin na dala ng bagyo.

--Ads--

Kabilang sa mga hakbangin ang prepositioning ng mga food at non-food stockpiles sa koordinasyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), pati na rin ang pag-activate ng lahat ng bangka na ipinamahagi sa mga barangay responders upang magamit sakaling kailanganin ang agarang paglilikas at rescue operations.