--Ads--

Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Jones, Isabela ang kanilang kahandaan sa posibleng epekto ng Bagyong Paolo sa lalawigan, lalo na sa mga lugar na mataas ang panganib sa pagbaha at pagguho ng lupa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Manuel Cabungcal, Municipal Administrator ng LGU Jones, sinabi niyang agad silang nagsagawa ng Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) katuwang ang iba’t ibang ahensya upang maayos na mapagplanuhan ang mga kailangang paghahanda bago pa man tumama ang bagyo.

Inatasan na ang mga concerned agencies na ihanda ang buong sistema para sa posibleng preemptive evacuation, at pagtatalaga ng mga tauhan sa kani-kanilang area of responsibility (AOR), lalo na sa mga flood-prone at landslide-prone areas.

Nakipag-ugnayan na rin ang LGU sa Isabela Electric Cooperative I (ISELCO I) upang magsagawa ng clearing operations sa mga linya ng kuryente para maiwasan ang posibleng aberya sa suplay ng kuryente kapag tumama ang bagyo.

--Ads--

Ayon kay Dr. Cabungcal, batay sa ulat ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), nakahanda na ang mga family food packs para sa mga maaring maapektuhang residente. Inihanda na rin ang mga evacuation centers sa bawat barangay.

Bagama’t may centralized evacuation center ang bayan, may kanya-kanya ring evacuation facilities ang bawat barangay na nasa ilalim ng koordinasyon ng LGU upang matiyak ang maayos na pamamahala sa panahon ng sakuna.

Nakaantabay na rin ang mga rescue teams mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) para agad na rumesponde sakaling kailanganin ang rescue operations habang nananalasa ang bagyo.