--Ads--

Inihayag ng Regional EOD and Canine Unit 2 na isang MK2 grenade ang pinasabog sa isang bahay sa Purok Sandigan, Barangay Bantug, Roxas, Isabela noong madaling araw ng Oct. 01, 2025.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Elias Mangoma, Information Officer ng Regional EOD and Canine Unit 2 sinabi niya na batay sa kanilang technical evaluation sa pinangyarihan ng pagsabog ay narekober ang ilang fragment mula sa sumabog na granada.

Narekober ng mga otoridad ang safety pin at lever ng granada maging ang detonating fuse nito.

Ayon kay PCpt. Mangoma, ang nasabing granada ay ginamit bilang anti-personnel grenade noong World War II at wala nang ibinebenta sa merkado maliban na lamang sa mga itinago at napreserve na maaring ibinibenta na sa black market.

--Ads--

Dagdag pa niya na habang lumuluma ang isang granada ay mas nagiging mapanganib ang pagsabog nito dahil nagkakaroon ng corrosion.

Nilinaw naman niya na ang PNP na ang magsasagawa ng imbestigasyon kung sino ang mga suspek sa pagpapasabog at kung ano ang maaring motibo.

Batay sa mga nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, hindi ito ang unang pagkakataon na may nangyaring panggugulo sa nasabing pamilya dahil binato rin ng molotov ang bahay noong nakaraang linggo.

Sa ngayon ay patuloy ang backtracking ng PNP sa mga kuha ng CCTV Cameras sa lugar upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek sa pagpapasabog kung saan may ilang detalye na silang sinusundan.