--Ads--

Umabot na sa 1.8 hanggang 2 metro ang taas ng alon sa mga baybayin ng Isabela at Aurora, dahilan upang ipatupad ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mas mahigpit na “No Sail Policy” sa mga apektadong lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ens. Dionisio A. Mahilum, Public Information Officer ng Coast Guard District Northeastern Luzon, sinabi niyang kanselado na ang lahat ng biyahe sa mga karagatang sakop ng Sta. Ana (Cagayan), Aurora, at Isabela. Kamakailan lamang isinama sa suspensyon ang Coast Guard Stations sa Batanes at Calayan.

Ayon sa Coast Guard, layunin ng paghihigpit sa “No Sail Policy” na maiwasan ang anumang aksidente sa dagat sa gitna ng masamang lagay ng panahon.

Sa ngayon, naka-standby ang 55 teams mula sa Deployable Response Group at mahigit 470 personnel na handang tumugon sa anumang emergency.

--Ads--

Nakikipag-ugnayan na rin ang PCG sa PDRRMO at MDRRMO para sa pagbabantay sa mga ilog at mabababang lugar na maaaring bahain dahil sa inaasahang malalakas na pag-ulan.

Nagpaalala ang Coast Guard na maaga pa lamang ay nagbibigay na sila ng mga abiso upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.

Samantala, halos lahat ng bayan sa Isabela at maging sa Sta. Ana, Cagayan ay nagsagawa na ng pre-emptive evacuation bilang pag-iingat.