Umabot na sa 437 pamilya o mahigit 1,300 indibidwal ang inilikas sa lalawigan ng Isabela dahil sa pananalasa ng bagyong Paolo.
Ang mga ito ay mula sa mga coastal towns ng lalawigan na kinabibilangan ng Dinapigue, Maconacon, at Palanan, maging ang bayan ng Echague na nasa mainland Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Exiquiel Quilang ng Provincial Government of Isabela, sinabi niya na activated na rin ang mga evacuation centers sa iba’t ibang bayan sa lalawigan maging ang Provincial Multi-purpose evacuation na kayang mag-accommodate ng 500 indibidwal.
Aniya, sapat ang mga prepositioned food packs na ipapamahagi sa mga apektadong pamilya at kung sakaling kulangin ang mga ito ay mayroong nakahanda na 2,000 food packs sa Provincial Social Welfare and Development o PSWD na maaring hugutin kung kinakailangan.
Nakahanda na rin ang 66 katao na bahagi ng composite team na kinabibilangan ng iba’t ibang agencies na binuo ng Isabela Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) upang umantabay sa pangangailangan ng mga apektadong indibidwal.
Nakahanda naman ang hanay ng PDRRMC Isabela maging ang kagamitan ng mga ito upang masigurong maging mabilis ang kanilang pag-responde.










