--Ads--

Pumalo na sa 4,187 katao o katumbas ng 1,314 pamilya mula sa 104 na barangay sa Isabela ang inilikas dahil sa epekto ng Bagyong Paolo.

Batay sa pinakahuling ulat, 3,747 evacuees ang kasalukuyang nanunuluyan sa iba’t ibang evacuation centers sa lalawigan, habang 400 katao naman ang mino-monitor ng mga awtoridad sa labas ng evacuation sites.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Exiquiel Quilang, Public Information Officer ng Provincial Government of Isabela, sinabi niyang nadagdagan na ang bilang ng standby family food packs ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).

Mula sa dating 2,000 food packs, umakyat na ito sa 6,500, matapos magdagdag ng karagdagang 4,500 family food packs. Ito ay bilang paghahanda kung sakaling kailanganin itong ipamahagi agad sa mga maaapektuhang residente sa iba’t ibang bayan ng probinsya.

--Ads--

Kasabay nito, inihayag ni Quilang na tatlong karagdagang response teams ang ipapadala sa mga bayan ng Sta. Maria, Sto. Tomas, at Cabagan. Ang mga lugar na ito ay tinaguriang catch basin ng tubig na nagmumula sa Cagayan River, kaya mas maingat na binabantayan ng mga awtoridad ang sitwasyon upang maagapan ang posibleng pagtaas ng tubig at pagbaha.

Tiniyak ng Provincial Government ng Isabela na handa ang kanilang mga tauhan at suplay para tumugon sa pangangailangan ng mga evacuees habang nagpapatuloy ang epekto ng Bagyong Paolo sa rehiyon.