Kinumpirma kahapon ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na naipadala na sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) at sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang listahan ng mga ari-ariang pagmamay-ari ng mag-asawang contractor na sina Pacifico “Curlee” at Cezarah Rowena “Sarah” Discaya, para sa posibleng forfeiture o pagbawi ng mga ito.
Ayon kay Dizon, natanggap na ng DPWH ang listahan mula sa Land Registration Authority (LRA) at agad itong isinumite sa ICI at AMLC. Ang tinatayang P1 bilyong halaga ng ari-arian ng mga Discaya ay naisyuhan na rin ng freeze order ng AMLC, dalawang araw matapos silang magpadala ng liham.
Tumanggi si Dizon na tukuyin ang mga partikular na ari-ariang frozen na dahil sa isyu ng data privacy, ngunit kinumpirma niyang kabilang dito ang isang mansiyong kamakailan ay binato ng putik ng mga residente.
Ipinaliwanag naman ni DPWH Undersecretary Ricardo Bernabe III na mahalaga ang pag-freeze ng mga ari-arian upang hindi ito maibenta o mailipat habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Dagdag pa niya, kung mapatunayang galing sa ilegal na gawain ang pinanggalingan ng pondo, maaari itong isailalim sa forfeiture proceedings ng AMLC.
Una nang iniulat ng AMLC na inisyuhan ng Court of Appeals ng freeze order ang 836 bank accounts, 12 e-wallets, 24 insurance policies, 81 sasakyan, at 12 real estate properties na konektado sa mga indibidwal at kumpanyang iniimbestigahan kaugnay ng anomalya sa flood control projects.
Sa kasalukuyan, tinatayang nasa P2.9 bilyon na ang kabuuang halaga ng mga na-freeze na ari-arian.











