--Ads--

Inihain ng Commission on Elections (Comelec) ang isang show cause order (SCO) laban kay Senador Francis “Chiz” Escudero upang ipaliwanag ang P30 milyong donasyon sa kanyang kampanya noong 2022 mula sa isang kontratista.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia naipadala na ang kautusan at itinakda ang pagdinig para kay Escudero sa Oktubre 13, 2025.

Nauna nang sinabi ni Garcia na ihahain ang SCO matapos makipagpulong ang pangulo ng Centerways Construction and Development Inc. na si Lawrence Lubiano, sa pamamagitan ng kanyang abogado, sa Comelec noong nakaraang linggo.

Naglabas din ng SCO ang Comelec laban kay Lubiano upang ipaliwanag ang milyon-milyong donasyon sa kampanya ni Escudero at ipagtanggol kung bakit hindi siya dapat kasuhan sa paglabag sa Seksyon 95 ng Omnibus Election Code (OEC). Inatasan din siyang humarap sa Political Finance and Affairs Department (PFAD).

--Ads--

Sa isang pagdinig sa Kamara, inamin ni Lubiano na nagbigay siya ng P30 milyon para sa kandidatura ni Escudero noong 2022, ngunit iginiit niyang ito ay mula sa kanyang sariling bulsa.

Kinumpirma ni Escudero na si Lubiano ay isa sa kanyang campaign contributors, ngunit giit ng senador, wala siyang kinalaman sa anumang flood control projects sa Sorsogon o sa ibang bahagi ng bansa.

Ayon sa Seksyon 95 ng OEC, ipinagbabawal ang mga taong may kontrata sa gobyerno—natural man o juridical—na magbigay ng donasyon sa mga kandidato.

Ang Centerways ay kabilang sa 15 kontratistang binanggit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nakakuha ng 20% ng flood control project contracts ng pamahalaan.

Nilinaw ni Garcia na hindi lamang si Escudero ang iniimbestigahan. Kasama rin sa iniimbestigahan ng Comelec sina Pangulong Marcos at Pangalawang Pangulo Sara Duterte kaugnay ng umano’y ilegal na donasyon sa kanilang kampanya noong 2022.

Ayon sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism, nakatanggap umano sina Marcos at Duterte ng daan-daang milyong piso mula sa mga kontratista ng public works, bagay na labag sa OEC.

Nagpahayag ang Malacañang na bukas si Marcos sa imbestigasyon ukol sa naturang mga donasyon.