--Ads--

Umabot na sa 4,025 pamilya o katumbas ng 12,210 katao ang kabuuang bilang ng mga apektado ng Bagyong Paolo sa Region 2.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lucia Alan, Regional Director ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2.

Apektado ang apat na probinsya sa rehiyon kabilang ang Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, at Quirino. Pinakamalaki ang bilang ng apektado sa Isabela na may 2,385 pamilya o 7,255 katao mula sa 176 barangay.

Pumapangalawa ang Quirino na may 1,111 pamilya o 3,235 katao sa 58 barangay. Sumunod ang Nueva Vizcaya na may 522 pamilya o 1,701 katao sa 62 barangay, habang Cagayan ang may pinakamababang bilang na 7 pamilya o 19 katao sa 4 barangay.

--Ads--

Ayon kay Alan, karamihan sa mga apektado ay mula sa coastal areas ng District 1 ng Isabela gaya ng Dinapigue, Echague, Palanan, at Angadanan.

Sinimulan na kahapon ang pamamahagi ng family food packs sa mga apektadong pamilya at nagpapatuloy ito hanggang sa kasalukuyan.

Sa tala ng DSWD, mayroong 2,993 pamilya o 9,049 katao ang kasalukuyang nanunuluyan sa 265 evacuation centers sa buong rehiyon. Samantala, 625 pamilya o 1,908 katao naman ang pansamantalang nakikituloy sa mga kaanak at kapitbahay sa labas ng evacuation centers.

Wala pang naitatalang pinsala sa mga kabahayan sa ngayon, ngunit inaasahang tataas pa ang bilang ng mga ulat habang nagpapatuloy ang assessment ng mga lokal na pamahalaan.

Ayon pa kay Alan, umabot na sa 187 family food packs na nagkakahalaga ng ₱114,706.92 ang naipamahagi sa mga apektadong residente. Patuloy umano ang monitoring at assessment upang matukoy kung kailan kailangang agad ipamahagi ang mga karagdagang food packs.

Noong Lunes, nagsagawa rin ng pagpupulong ang DSWD Region 2 kasama ang mga Municipal Social Welfare and Development Offices (MSWD) upang paigtingin ang paggamit ng Disaster Risk Monitoring Tool.

Ayon kay Alan, malaking hamon pa rin ang tamang pag-fill out ng real-time reports, kaya’t kailangan ang tuloy-tuloy na koordinasyon sa mga lokal na social workers upang matiyak ang tama at mabilis na paglalabas ng DROMIC reports o Disaster Response Operations Monitoring and Information Center reports.

Tiniyak ng DSWD Region 2 na nakahanda ang kanilang ahensya sa patuloy na pagbibigay ng tulong sa mga apektadong residente ng Bagyong Paolo.