Walang naitalang pinsala sa anumang ari-arian ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Quirino sa pananalasa ng Bagyong Paolo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Joediaz Baltazar, Operations and Warning Section Head ng PDRRMO Quirino, sinabi niyang nakapagtala sila ng tinatayang 1,065 pamilya o 3,144 katao na nailikas mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
Pinakamarami ang nailikas sa bayan ng Saguday, na may 867 katao, sinundan ng mga bayan ng Aglipay at Cabarroguis.
Bago pa man tumama ang bagyo, agad nagsagawa ang kanilang tanggapan ng pre-emptive evacuation sa mga lugar na madalas bahain upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang kanilang data gathering kaugnay sa mga posibleng napinsala ng Bagyong Paolo. Gayunman, nilinaw ni Baltazar na walang naitalang nasirang bahay.
Samantala, unti-unti nang nagsisibalikan sa kani-kanilang mga tahanan ang mga evacuees sa Lalawigan ng Quirino, dahil sa paghupa ng baha sa ilang lugar. Tiniyak ng PDRRMO na lahat ng evacuees ay nabigyan ng family food packs.
Dagdag pa ni Baltazar, may nakaantabay ring karagdagang food packs na handang ipamahagi sa iba pang mga apektadong residente na hindi nakalikas.











