Umabot na sa P9.9 milyon ang naitalang pinsala sa agrikultura sa Lungsod ng Cauayan matapos ang pananalasa ng Bagyong Paolo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Ricardo Alonzo, City Agriculture Officer ng Cauayan, sinabi niyang pinakamalaking bahagi ng napinsala ay ang mga tanim na palay na dumapa dahil sa malalakas na hangin at nalubog sa baha.
Para naman sa mais, pinakamalaking pinsala ang naitala sa mga tanim na kasalukuyang namumulaklak, partikular na ang white corn.
May naitala ring pinsala sa mga high-value crops tulad ng patola, upo, at ampalaya sa mga barangay ng Gagabutan, Duminit, at Guayabal.
Ayon kay Engr. Alonzo, nasira ang mga balag o trellis ng mga magsasaka sa nasabing mga lugar dahil sa malakas na hangin, kaya’t naapektuhan din ang mga kasalukuyang namumunga nilang pananim.
Sa mga bahagi ng Forest Region, West Tabacal Region, at East Tabacal Region, nasira naman ang mga tanim na saging.
Sa kabuuan, tinatayang aabot sa P9,902,000 ang pinsala sa sektor ng agrikultura, at ito ay naipasa na sa Department of Agriculture (DA) Region 2 para sa karampatang aksyon.
Patuloy din anilang iminumungkahi sa pamahalaan ang pagpapatupad ng ceiling price o batayang presyo sa mga produktong agrikultura, upang matiyak na hindi malulugi ang mga magsasaka sa pagbebenta ng kanilang ani lalo na’t kontrolado ng mga trader ang presyo sa merkado.
Suhestiyon rin ng mga magsasaka na ang mga ayuda ay direktang ibigay sa kanila, partikular sa pamamagitan ng RSBSA at IMC card maging ng mga fertilizer at seed vouchers.
Paliwanag ni Engr. Alonzo, kung binhi at pataba mismo ang ibibigay, marami ang tumatanggi dahil may kani-kaniyang preferred na brand o klase ng binhi ang mga magsasaka. Kung fixed na binhi ang ibibigay, nawawala ang kalayaan nilang pumili ng itatanim na akma sa kanilang lupa at kondisyon ng pananim.











