Muling pinatunayan ng Lalawigan ng Isabela ang pagiging isa sa mga pinakamahusay sa larangan ng turismo sa bansa matapos nitong masungkit ang maraming prestihiyosong parangal sa Association of Tourism Officers of the Philippines (ATOP) Pearl Awards 2025 na ginanap noong Oktubre 2, 2025 sa Lungsod ng Baguio.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Provincial Tourism Officer Joanne Maranan, sinabi niya na pinarangalan ang Isabela bilang Grand Winner para sa Best Tourism Month Celebration, at First Runner-Up sa Best Tourism Event para sa internationally acclaimed na Bambanti Festival.
Nakamit din ng lalawigan ang Second Runner-Up sa dalawang kategorya: Best Practice in Sustainable Tourism at Best Practices in Community-Based Tourism, bilang pagkilala sa mga inisyatibo nito tungo sa isang sustenable at inklusibong turismo.
Hindi rin nagpahuli ang Lungsod ng Ilagan, kung saan si City Tourism Officer Ma. Cristina Simon ay itinanghal na Grand Winner sa Best Tourism Officer (Component City Category) dahil sa kanyang mahusay na pamumuno at kontribusyon sa lokal na turismo.
Tumanggap din ang Ilagan ng Second Runner-Up sa Best Sports Tourism Event at Best Tourism Month Celebration.
Samantala, umani rin ng malaking tagumpay ang Lungsod ng Cauayan matapos itong kilalanin bilang Grand Winner sa Best Souvenir at Grand Winner sa Best Event Hosting (International Event), na lalong nagpapatibay sa reputasyon ng lungsod pagdating sa malikhain at world-class na pamamahala ng mga events.
Kabilang sa delegasyon ng Isabela na tumanggap ng mga parangal sina Sangguniang Panlalawigan Tourism Committee Chairperson Hon. Abegail Sable, Provincial Tourism Officer Joanne Maranan, mga opisyal at kawani mula sa iba’t ibang lungsod at bayan, at si Mr. Nilo Agustin, consultant ng Bambanti Festival.
Ang ATOP Pearl Awards ay isang taunang parangal na nagbibigay-pugay sa mga natatanging programa, proyekto, at personalidad sa larangan ng turismo sa buong Pilipinas.








