--Ads--

Napakasimple lamang ng dapat gawin ng pamahalaan sa isyu ng korapsyon, ayon sa election watchdog na Kontra Daya.

Ito ay ang pagpapanagot sa mga may sala at pag-usig sa mga nararapat usigin.

Ito ang pahayag ng Kontra Daya kaugnay ng mungkahi ni Senator Alan Peter Cayetano na magsagawa ng snap elections para sa mga pangunahing posisyon sa gobyerno, kabilang ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, mga senador, at mga kongresista, upang matugunan ang lumalalim umanong krisis sa tiwala ng publiko sa pambansang pamahalaan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Prof. Danilo Arao, convenor ng Kontra Daya, sinabi niya na hindi na kailangang mag-isip pa ng ibang paraan o gawing komplikado ang mga hakbang para lamang matugunan ang isyu ng korapsyon at maibalik ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan.

--Ads--

Dapat lamang ipagpatuloy ang imbestigasyon sa katiwalian sa gobyerno, at dapat maging kapani-paniwala ang resulta, nang walang pagtatakip o cover-up sa mga mambabatas na sangkot.

Aniya, tila sinasadyang gawing komplikado ng ilang mambabatas ang sitwasyon upang ilihis ang imbestigasyon sa mga tunay na sangkot sa katiwalian.

Pinaalalahanan din niya ang publiko na huwag magpa-distract sa mga pahayag ng ilang mambabatas, sapagkat ang tunay na kailangan ay ang pagpapanagot sa mga tiwali.

Aniya, bagamat may independent commission na nag-iimbestiga sa isyu ng flood control project, hindi ito isinasapubliko sa pamamagitan ng social media o iba pang plataporma, kaya’t hindi rin alam ng taumbayan ang mga resulta ng imbestigasyon.

Hindi rin niya iminumungkahi ang agarang pagsasagawa ng kilos-protesta ng mga mamamayan, at mas mainam umano na hintayin muna ang magiging resulta ng mga isinasagawang imbestigasyon ng pamahalaan.

Bagamat hindi maiiwasang magkaroon ng agam-agam, mas makabubuti pa ring bigyan ng pagkakataon ang pamahalaan na ayusin ang mga kinahaharap nitong isyu ng katiwalian na kinasasangkutan ng ilang mambabatas.