--Ads--

Pansamantalang ipinasara ang isang poultry sa Barangay Marabulig matapos ireklamo ng mga residente bilang pinagmumulan umano ng napakaraming langaw na nagdudulot ng pagkakasakit sa ilang mamamayan.

Ayon kay Barangay Captain Jaime Partido, natanggap nila noong Oktubre 2, 2025 ang liham mula sa Office of the Mayor na nag-uutos ng temporary closure ng nasabing poultry. Agad namang inabot ng barangay ang naturang kautusan sa pamunuan ng poultry farm.

Dagdag ni Partido, kaagad na nagsagawa ng malawakang clean-up operation ang nasabing pasilidad. Ilang araw matapos nito ay tuluyan na rin itong isinara bilang pagtugon sa reklamo ng mga residente.

Kamakailan lamang ay nagsagawa rin ng inspeksyon ang pamunuan ng barangay upang tiyakin ang kalinisan sa paligid at suriin kung naging epektibo ang ipinatupad na pagsasara.

--Ads--

Samantala, naghayag ng kasiyahan ang ilang residente na naibsan na ang kanilang problema sa langaw, ngunit may ilan din ang nagpahayag ng pangamba dahil pansamantala lamang ang pagkakasara.

Anila, maaaring bumalik muli ang dating sitwasyon sakaling muling payagang mag-operate ang poultry.

Matatandaang noong Setyembre 30 ay isinagawa ang ikalimang pagdinig kaugnay sa temporary closure ng dalawang poultry sa lungsod, kabilang na ang matatagpuan sa Barangay Marabulig.