--Ads--

Naghain ng resolusyon si House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima upang paimbestigahan ang umano’y pag-aksaya ng Department of Health (DOH) ng pondo nito na nagresulta sa pagkakaroon ng “haunted hospitals” o abandonado o hindi kumpleto at non-operational hospitals, health centers, at mga katulad na pasilidad.

Sa House Resolution 353, iginiit ni De Lima ang kahalagahan na imbestigahan ang pang-aabuso at maling paggamit ng pondo ng gobyerno sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) at iba pang programa ng DOH.

Ayon kay De Lima, nakakabahala ang ulat na nasasayang ang pondo ng gobyerno samantalang maraming Pilipino ang hindi nakakapagpagamot.

Sa deliberasyon ng budget, sinabi ng DOH na 200 lamang sa 600 health centers na itinayo sa ilalim ng HFEP ang operational.

--Ads--

Ayon sa HR 353, sa 2024 report ng Commission on Audit (COA) ay nakasaad na 123 proyekto na nagkakahalaga ng P11.5 bilyon ang hindi natapos sa takdang oras.

Pinaiimbestigahan din ni De Lima ang kakulangan o kawalan ng gamot sa mga pampublikong ospital kasama na ang umano’y alokasyon ng milyong halaga ang mental health medicine na malapit nang mag-expire at ang pagbibigay umano ng bahagi nito sa isang Rotary Club sa Quezon City.