--Ads--

Nagsasagawa ng pag-iikot ang Sanitary Inspector sa mga water refilling station sa lungsod ng Cauayan upang matiyak ang kanilang pagsunod sa mga itinakdang panuntunan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sanitary Inspector Iluminada Abad Gonzales, sinabi niya na kada buwan ay isinasagawa ang water sampling sa mga water refilling station sa lungsod upang matiyak na ang kanilang iniinom na tubig ay hindi kontaminado ng bacteria.

Aniya, kailangang sumunod ang mga ito sa mga regulasyong pangkalinisan at panatilihing malinis ang mga kagamitan sa loob ng kanilang pasilidad.

Mahalaga ito upang mapangalagaan ang kalusugan ng publiko, mapalakas ang kredibilidad ng negosyo, at maiwasan ang mga panganib sa kalusugan.

--Ads--

Ang mga sample ng tubig na kinokolekta mula sa mga refilling station ay dinadala sa laboratoryo ng water district upang masuri.

Kapag may water sample na bumagsak sa pagsusuri, inaatasan ang may-ari ng pasilidad na agad linisin o palitan ang mga water filters at iba pang kagamitan. Pagkatapos nito, isasailalim muli sa water sampling ang pasilidad at uulitin ang proseso hanggang sa makapasa sa pagsusuri.

Pansamantala namang isinasara ang pasilidad habang inaayos ang mga kakulangan at maaari lamang itong muling magbukas kapag ito ay naayos na at muling nasuri at naaprubahan ng Sanitary Office.

Ayon pa kay Gonzales, karamihan sa mga water refilling station sa lungsod ay nakakasunod sa mga panuntunan. Gayunpaman, may ilang pasilidad na kailangang ulitin ang proseso ng pagsusuri, ngunit kalaunan ay naiaayos din ang kanilang mga pasilidad.