--Ads--

Muling ipinanawagan ng Municipal Engineering Office ng San Mateo, Isabela na tanging mga light vehicles lamang ang pinahihintulutang dumaan sa San Roque-Bagong Sikat overflow Bridge.

Ito ay matapos na mapinsala ang tulay dahil sa pagdaan ng mabibigat na sasakyan na lampas sa kapasidad nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Engineer Edgar Tacqueban ng San Mateo, Isabela, nasira ang overflow bridge sa Barangay Bagong Sikat, San Mateo, Isabela matapos daanan ng isang mabigat na sasakyan na lumampas sa itinakdang limitasyon na 5 tons.

Ayon kay Tacqueban, matapos ang pananalasa ng bagyo ay agad nilang inayos ang overflow bridge upang muling magamit ng mga residente. Gayunman, may dumaan na mabigat na sasakyan kaya muling nasira ang bahagi ng tulay. Ipinaliwanag niyang hindi pa ito kayang masobrahan ng ganitong klase ng bigat lalo na kung magiging madalas ang ganitong paglabag.

--Ads--

May mga nakalagay na signages at vertical clearance sa lugar upang ipaalala na light vehicles lamang ang pinapayagang dumaan, ngunit aminado si Taceban na may ilan pa ring hindi sumusunod. Isa sa mga lumabag ay sapilitang tinanggal ang railings ng tulay upang makadaan ang mabigat na sasakyan.

Dahil dito, umaapela si Taceban na mabigyan siya ng kapahintulutang magsampa ng kaso laban sa mga lalabag sa patakaran upang magsilbing babala sa iba. Tinatayang mahigit isang libong piso ang pinsala sa overflow bridge, at hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikipag-ugnayan ang driver ng nasabing sasakyan sa lokal na pamahalaan.