Pormal nang inaprubahan ng Cauayan City Council ang ordinansang nagkakansela sa prangkisa ng LKY/Primark sa pamamahala sa palengke ng Cauayan City.
Base sa inilabas na bahagi ng Ordinance No. 2025-667 ni SP Member Paolo Eleazar Delmendo, nirerevoke na ang legislative franchise na ibinigay sa LKY Development Corporation na mas kilala bilang Primark para sa pamamahala sa public market sa Brgy. San Fermin.
Ito ay matapos ang paulit-ulit na mga paglabag sa public health, environmental at regulatory law maging ang hindi nila pagbabayad ng real property taxes.
Mula nang magsimulang pamunuan ng Primark ang Public Market ay naipon na ang kanilang utang na buwis sa lokal na pamahalaan na umabot sa P56 milyon.
Una namang nakiusap ang panig ng Primark na bigyan sila ng sapat na panahon upang mapagpasyahan kung kanilang ituturn-over ang pamamahala ng palengke o kung babayaran at aayusin na lamang nila ang mga obligasyon, kabilang na ang isyu sa sanitation compliance.
Batay sa isinagawang inspeksyon ng konseho, napag-alamang marumi ang pasilidad, hindi maayos ang waste management, at barado o hindi nalilinis ang mga drainage canals. Tinukoy din na hindi makatarungan para sa mga nagbabayad nang tama ang makaranas ng ganitong uri ng serbisyo.
Ayon sa City Council, kahit may natitira pang ilang taon sa kontrata ng Primark, kinakailangan na ng agarang aksyon mula sa lokal na pamahalaan upang maiayos ang sistema sa pamilihan at masigurong ligtas at malinis ang kapaligiran para sa mga vendors at mamimili.
Tiniyak naman ng konseho na mananatili ang mga kasalukuyang vendors sa kanilang pwesto at hindi sila maaapektuhan ng transition. Gayunpaman, magkakaroon ng rehabilitasyon sa mga pasilidad upang maisaayos ang mga suliranin sa palengke.











