Matagumpay na naisagawa ang Groundbreaking Ceremony para sa kauna-unahang Cancer Center at Building Up Community Assistance and Services o BUCAS Center sa Lalawigan ng Isabela.
Makasaysayan ang hakbang na ito para sa serbisyong pangkalusugan na pinangunahan ng LGU Echague at Isabela State University (ISU) system katuwang ang Department of Health (DOH) at Southern Isabela Medical Center (SIMC).
Dinaluhan ang seremonya ng mga opisyal mula sa tanggapan ng Gobernador ng Lalawigan, mga kinatawan ng DOH, mga lokal na opisyal ng LGU Echague, at mga medical students mula ISU Echague.
Ipinahayag ni Undersecretary of Health Glenn Mathew G. Baggao ang buong suporta ng DOH sa pagtatayo ng bagong pasilidad, at binigyang-diin ang kahalagahan ng proyektong ito sa pagpapaunlad ng serbisyong medikal sa buong rehiyon.
Dagdag pa ni USEC Baggao, inaasahang matatapos ang konstruksyon sa loob ng isang taon lalo na ang Cancer Center, na may layuning mapabilis ang pagbibigay ng serbisyo sa mga nangangailangan.
Nagpahayag naman ng kanyang pasasalamat si Dr. Boyet L. Batang, Presidente ng Isabela State University System, sa lahat ng sektor na naging katuwang sa proyektong ito.
Dagdag niya, ang proyektong ito ay magsisilbing modelo para sa mga susunod pang inisyatiba kung saan sabay na maglilingkod ang edukasyon at kalusugan para sa ikabubuti ng buong rehiyon.
Tiniyak naman ng alkalde ang buong suporta ng lokal na pamahalaan upang matiyak ang maayos at mabilis na implementasyon ng proyekto.
Ang Cancer Patient Hospital ay inaasahang tutugon sa tumataas na bilang ng mga kaso ng cancer sa rehiyon at magbibigay ng agarang gamutan, suporta, at rehabilitasyon sa mga pasyente. Ang BUCAS Center naman ay magsisilbing community hub na mag-aalok ng iba’t ibang serbisyong panlipunan at pangkalusugan
Ang proyektong ito ay inaasahang magsilbing modelo ng kooperasyon sa pagitan ng akademya, lokal at pambansang pamahalaan, na may layuning mapabuti ang kalagayan ng kalusugan at kabuhayan ng mga mamamayan sa rehiyon. Inaasahang masisimulan ang konstruksyon sa mga darating na buwan at magiging operational sa loob ng isa hanggang dalawang taon.











