Patuloy na problema ng mga residente ng Barangay District 1 ang sunod-sunod na kaso ng pagnanakaw na kinasasangkutan ng mga menor de edad.
Isa na namang insidente ng pagnanakaw ang naiulat nitong Lunes, Oktubre 6, 2025, kung saan dalawang baterya ng truck na may halagang ₱8,500 bawat isa ang ninakaw umano ng tatlong kabataan.
Ayon kay Francisco Evangelista, Chief Tanod ng Barangay District 1, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang residente na nagrereklamo hinggil sa pagkawala ng baterya ng kanyang truck. Agad nilang sinimulan ang imbestigasyon at nagtungo sa ilang junk shop sa paligid ng barangay upang alamin kung may nagtangkang magbenta ng kahalintulad na gamit.
Bandang alas-11 ng umaga, muling nakatanggap ng tawag ang mga tanod mula sa may-ari ng isang junk shop na nagsabing may tatlong kabataang nagtangkang magbenta ng dalawang baterya. Tumanggi umano ang may-ari na bilhin ang mga ito dahil halatang bago pa at pinaghihinalaang galing sa nakaw. Nagpakita rin ito ng CCTV footage na nagpatunay na mga menor de edad ang sangkot.
Isa sa mga magulang ng mga kabataan ang kusang nagsuko sa kanyang anak matapos siyang abisuhan ng barangay tungkol sa krimen. Narekober ng mga awtoridad ang dalawang baterya at agad na naibalik sa may-ari.
Bagama’t hinikayat ng barangay ang may-ari ng truck na magsampa ng kaso, pinili nitong huwag nang ituloy ang reklamo dahil naibalik naman ang mga ninakaw na gamit.
Bilang kapalit, inatasan ng barangay ang mga menor de edad at ang kanilang mga magulang na magsagawa ng community service bilang bahagi ng disiplina at aral mula sa nangyaring insidente.
Dagdag pa ni Evangelista, patuloy nilang paiigtingin ang mga security patrol at monitoring sa buong barangay upang mapigilan ang pagdami ng ganitong uri ng krimen at masigurong ligtas ang kanilang komunidad.











