--Ads--

Isang magnitude 6.0 na lindol ang yumanig sa karagatan malapit sa bayan ng Cagwait, Surigao del Sur kagabi, Oktubre 11, 2025.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), unang naitala ang lindol sa magnitude 6.2, ngunit kalaunan ay binago ito sa magnitude 6.0. Tumama ang lindol bandang 10:32 ng gabi at may lalim na 24 kilometro, na matatagpuan 28 kilometro hilagang-silangan ng Cagwait.

Iba’t ibang lugar sa Mindanao at Visayas ang nakaramdam ng pagyanig. Narito ang mga naitalang intensity:

Naitala ang Intensity IV sa Cagwait at Carmen sa Surigao del Sur, Cagayan de Oro City, Davao City, at Butuan City.

--Ads--

Naramdaman naman ang Intensity III sa Abuyog, Hinunangan, Hinundayan, San Francisco, at Silago sa Southern Leyte; Cabanglasan, Don Carlos, Malaybalay City, at San Fernando sa Bukidnon; pati na sa Bislig City at Mati City.

Samantala, Intensity II ang naitala sa ilang bahagi ng Leyte, Samar, Southern Leyte, Bukidnon, Misamis Oriental, at Surigao del Norte.

Sa mga instrumental recordings ng PHIVOLCS, nakapagtala rin ng Intensity IV sa Hinunangan, Cabadbaran City, Nabunturan, at Tandag City.

Naitala naman ang Instrumental Intensity III sa ilang bahagi ng Leyte, Southern Leyte, Bukidnon, Misamis Oriental, Sarangani, Surigao del Norte, at Surigao del Sur.

May mga lugar din na nakapagtala ng Instrumental Intensity II at I, kabilang ang Baybay City, Alangalang, Sogod, at Javier sa Leyte.

Ayon sa PHIVOLCS, inaasahan ang mga aftershock at posibleng pinsala sa mga lugar na apektado ng lindol.

Ang pagyanig na ito ay nangyari isang araw lamang matapos ang tinatawag na “double earthquake” na tumama sa bayan ng Manay, Davao Oriental. Sa insidenteng iyon, walong katao ang naiulat na nasawi, ayon sa Office of Civil Defense.

Patuloy ang pagbabantay ng mga awtoridad sa mga apektadong lugar upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente.