--Ads--

Ipinakita ng North Korea ang kanilang itinuturing na “pinakamalakas” na intercontinental ballistic missile (ICBM) sa isang engrandeng military parade na dinaluhan ng matataas na opisyal mula sa Russia at China, ayon sa ulat ng Pyongyang state media nitong Sabado.

Ang parada ay ginanap bilang paggunita sa ika-80 anibersaryo ng pamumuno ng Workers’ Party, sa gitna ng patuloy na tensyon sa rehiyon at lumalalim na ugnayan ng North Korea sa Russia.

Naging tampok sa aktibidad ang presensya ng mga prominenteng bisita gaya ni Dmitry Medvedev, deputy head ng Security Council ng Russia at malapit na kaalyado ni Pangulong Vladimir Putin. Kasama rin sa mga dumalo sina Chinese Premier Li Qiang at Vietnamese President To Lam, na kapwa nakaupo malapit kay Kim Jong Un, base sa mga larawang inilabas ng Korean Central News Agency (KCNA).

Ang selebrasyon ay sumasalamin sa mas lumalakas na ugnayan ng North Korea at Russia, lalo na matapos umano itong magpadala ng libu-libong tropa upang tumulong sa puwersa ng Moscow sa digmaan sa Ukraine.

--Ads--

Itinuturing ng mga eksperto na patuloy na ginagamit ni Kim Jong Un ang tensyon sa international politics upang palakasin ang alyansa sa mga makapangyarihang bansa tulad ng Russia at China, habang patuloy na pinapalakas ang kanilang kakayahang militar.