--Ads--

Pinag-aaralan na ngayon ng Public Order and Safety Division (POSD) ang pagpapatupad ng “No U-Turn” at “No Left Turn” policies sa bahagi ng Barangay San Fermin, Cauayan City bilang bagong patakaran sa lansangan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niyang experimental stage pa lamang ang pagpapatupad ng “No U-Turn” policy upang makita ang magiging reaksyon ng publiko at mapag-aralan kung ano ang magiging positibong epekto nito sa daloy ng trapiko.

Aniya, kabilang sa mga lansangang isinailalim sa experimental traffic scheme ay ang Cabatuan Road, Dacanay Street corner Cabatuan Road o FNDY Boulevard, at Romulo Albano Street.

Sa ngayon, naglagay na ng bollards ang POSD sa mga nabanggit na lugar bilang bahagi ng implementasyon ng patakaran.

--Ads--

Ayon kay Mallillin, madalas umanong nagkakasalubong ang mga sasakyan sa nasabing mga kalsada, na nagdudulot ng bahagyang pagbigat ng daloy ng trapiko.

Isang halimbawa aniya na tinitingnan ng POSD ay ang lungsod ng Makati, kung saan halos one-way na ang lahat ng pangunahing lansangan, at malaki ang naitulong nito sa traffic management.

Kung sakaling may tumutol sa nasabing patakaran, bukas naman ang POSD sa posibilidad ng mga pagbabago o modifications, lalo na kung may mga negosyong maaapektuhan sa lugar.

Matatandaan na una na ring inihayag ng POSD ang panukalang paglalagay ng footbridge sa harapan ng ISU-Cauayan Campus, na inaasahang makatutulong upang maibsan ang mabigat na trapiko sa lugar.

Tiniyak naman ni Chief Mallillin na kukuhanin muna nila ang pulso ng publiko bago ito pormal na ihain sa Sangguniang Panlungsod para sa pagbalangkas ng ordinansa.