--Ads--

Nananawagan ang City Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa publiko na maging disiplinado sa pagtatapon ng basura, lalo na tuwing may mga aktibidad sa lungsod ng Cauayan.

Ang panawagan ay napapanahon ngayong maraming mga nagtitinda sa City Hall Grounds kaugnay ng pagdiriwang ng patronal fiesta.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Alejo Lamsen, City Environment and Natural Resources Officer, sinabi niyang bagaman hindi sila ang responsable sa pangongolekta ng basura sa lungsod, tungkulin pa rin ng kanilang tanggapan na magpaalala sa mga residente tungkol sa tamang pagtatapon.

Ito ay kaugnay ng mga reklamo na natatanggap ng kanilang ahensya, lalo na sa Poblacion area, dahil sa kalat at basura matapos ang mga aktibidad.

--Ads--

Ayon pa kay Engr. Lamsen, mayroong Material Recovery Facility (MRF) sa lahat ng barangay sa lungsod, ngunit ang kakulangan sa disiplina ng ilang residente ang tunay na problema.

Ibinunyag niya na may ilang MRF ang ginagawang basketball ring, habang ang iba naman ay hindi ginagamit nang tama sa pagtatapon ng basura.

Dahil dito, muling nagpaalala si Engr. Lamsen sa lahat ng dadalo sa mga aktibidad gaya ng Banchetto, gayundin sa iba pang bahagi ng lungsod, na ugaliing magtapon ng basura sa tamang basurahan.

Layunin nito na maiwasan ang pagbaha, lalo na kapag may malalakas na pag-ulan, na karaniwang pinalalala ng mga basurang nakabara sa mga kanal at estero.