Ipinakalat ng Hamas ang 7,000 miyembro ng kanilang security forces upang muling kontrolin ang mga lugar sa Gaza na iniwan ng mga tropang Israeli.
Naglabas din sila ng mobilization order sa pamamagitan ng tawag at text, na layuning linisin ang Gaza mula sa mga kriminal at nakikipagtulungan sa Israel.
Nag-appoint ang grupo ng limang bagong gobernador na pawang dating militar. Ilan sa mga armadong tauhan ng Hamas na nakasibilyan o naka-uniporme ng pulisya, ay nakapuwesto na sa ilang distrito.
Lalong tumindi ang tensyon matapos mapatay ng Dughmush clan ang dalawang elite members ng Hamas, kabilang ang anak ng isang mataas na military commander. Bilang tugon, pinalibutan ng Hamas ang kuta ng Dughmush clan, kung saan naiulat na napatay ang isang miyembro at nadakip ang 30 iba pa.
Ang nasabing angkan ay matagal nang may armas, at ilan dito ay nakuha sa mga bodega ng Hamas noong kasagsagan ng digmaan.











