--Ads--

Maaaring mabawi ng pamahalaan at ng mga taxpayer ang humigit-kumulang P26 bilyon mula sa flood control ghost projects na tinatayang nagkakahalaga ng P629 bilyon sa pagitan ng 2023 at 2025, kung isasauli ng mga sangkot ang 80% ng nakulimbat na pondo kapalit ng pinaikling sentensya sa kulungan, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson nitong Sabado.

Ipinaliwanag ni Lacson na ang dapat gamitin ng gobyerno ay ang prinsipyo ng “retribution plus restitution” sa paghabol sa mga opisyal at kontraktor na sangkot sa mga maanomalyang flood control at iba pang infrastructure projects.

Sa kanyang pagtaya, ginamit niya ang initial findings kung saan 421 ghost projects ang natukoy mula sa 8,000 proyekto (katumbas ng 5.26%) na sinuri ng AFP/PNP/DepEd-Development composite team.

Kung ituturing ang bilang na ito bilang standard at ikukumpara sa kabuuang P629 bilyon halaga ng mga contracted flood control projects sa loob ng tatlong taon, posible aniyang mabawi ang hindi bababa sa P26 bilyon, kung ang mga sangkot na mga kontraktor, politiko, at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay magbabalik ng 80% ng perang nakuha sa ilalim ng plea bargaining agreement.

--Ads--

Gayunpaman, nilinaw ni Lacson na ang implementasyon nito ay nakadepende pa rin sa political will ng mga ahensyang nagsasagawa ng imbestigasyon, kabilang ang Independent Commission for Infrastructure, Office of the Ombudsman, Department of Justice (DOJ), at ang hudikatura.

Binigyang-diin ni Lacson na maaaring gamitin ang plea bargaining, ngunit hindi ito nangangahulugang kompromiso lamang ang usapan. Aniya, hindi sapat na ibalik lamang ang nakulimbat na pondo; kailangan pa ring managot ang mga sangkot sa batas.

Dagdag pa ni Lacson, ang parehong formula ay maaaring gamitin ng gobyerno sa paghawak ng iba pang anomalya sa mga proyektong gaya ng farm-to-market roads, school buildings, at multi-purpose buildings.

Binigyang-diin din niya na dapat gawing inspirasyon ng pamahalaan ang galit ng publiko sa mga katiwalian, upang mas mapalakas pa ang kampanya laban sa korapsyon.