--Ads--

Positibo ang reaksyon ng ilang tindero sa planong gawing public market ang palengke ng Cauayan City, ngunit may ilan ding nangangamba sa mga posibleng pagbabagong kaakibat nito partikular na ang usapin ng pag-shuffle o paglilipat ng kanilang puwesto.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Marites Barulo, isang matagal nang tindera ng gulay sa palengke, inihayag niyang suportado niya ang hakbang na ito. Aniya, makatutulong ito upang mas makilala ang palengke at makahikayat ng mas maraming mamimili.

Gayunpaman, aminado siyang may pangamba pa rin sila, dahil may mga naririnig silang posibilidad ng paglilipat o pag-shuffle ng kanilang mga puwesto.

Hinihiling ng mga tindero na magkaroon muna ng konsultasyon bago ipatupad ang anumang pagbabago.

--Ads--

Mariing panawagan ng mga tindero ang pagkakaroon ng bukas na komunikasyon sa pagitan nila at ng pamahalaan. Nais nilang matiyak na ang anumang pagbabago ay hindi lamang para sa ikagaganda ng estruktura ng palengke, kundi pati na rin para sa kapakanan ng mga maliliit na negosyante.

Sa kasalukuyan, inaabangan ng mga tindero at mamimili ang magiging susunod na hakbang ng pamahalaan kaugnay ng planong ito. Sa kabila ng mga agam-agam, nananatiling bukas ang karamihan sa mga tindero basta’t masiguro lamang na hindi maaapektuhan ang kanilang kabuhayan.