Dumalo si Cavite 4th District Rep. Francisco Barzaga sa isang anti-administration rally sa Forbes Park Village, Makati City, kagabi, ilang oras bago ang inaasahang pagdinig sa kanyang kaso sa House of Representatives. Tinawag niya ang sarili bilang “congressmeow” at ipinakilala bilang tagapagtanggol laban sa korapsyon.
Dumating si Barzaga sa Buendia gate ng Forbes Park bandang alas-11:30 ng gabi at sinalubong ng mga nag-rally na sumisigaw ng kanyang pangalan pati na rin ang panawagang mag-resign si Marcos. Nakipag-selfie siya sa mga dumalo at nakipagtagpo kay Atty. Jimmy Bondoc, isa ring kilalang kritiko ng administrasyon.
Aniya aaraw-arawin na umano nila ang pagra-rally sa mga subdivision kung saan nakatira ang mga tiwaling politiko.
Gayunman, ayon sa kanya, hindi niya ibubunyag kung saang lugar, anong oras, at kung ilan ang kaniyang mga kasama at lahat daw ito ay magiging biglaan.
Dagdag pa niya, okay lang daw na protektahan ang mga bahay ng mga politiko na umano’y nagkakahalaga ng P300 milyon hanggang P1 bilyon bawat lote, ngunit ang tunay na dapat protektahan ay ang interes ng sambayanang Pilipino hindi ang interes ng mga korap na politiko.
Patuloy naman ang pagdinig sa kanyang kaso na may kinalaman sa akusasyong pag-uudyok ng sedisyon.









