--Ads--

Hindi nakadalo si Cavite 4th District Representative Francisco “Kiko” Barzaga Jr. sa nakatakda niyang ethics hearing sa Kamara ngayong Lunes matapos umanong mapuyat sa paglalaro ng computer games.

Sa isang ambush interview sa House of Representatives, inamin ng mambabatas na huli na siyang nakarating sa pagdinig.

Bago ito, napaulat na dumalo si Barzaga sa isang kilos-protesta sa Forbes Park Village sa Makati City noong Linggo ng gabi, kung saan nanawagan ang mga demonstrador ng pagbibitiw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa gitna ng mga alegasyon ng korapsyon.

Noong nakaraang buwan, nagpasa ng ethics complaint laban kay Barzaga ang mga miyembro ng National Unity Party o (NUP sa pangunguna ni Deputy Speaker Ronaldo Puno dahil umano sa kanyang “hindi karaniwang asal,” kabilang na ang biglaang pagdedeklara ng kandidatura bilang Speaker ng Kamara at ang umano’y paglalathala ng mga “malaswang” larawan sa social media.

--Ads--

Ayon kay Puno naniniwala ang partido na maaaring lumabag si Barzaga sa apat na alituntunin ng Kamara.

Ito ay ang hindi kumilos sa paraang nagbibigay ng karangalan sa House of Representative, nakisangkot sa gawaing labag sa batas, good morals, customs at public policy, nagpakita ng asal na maaaring mag-udyok ng seditious activity at kumilos nang taliwas sa interes ng serbisyo at hindi karapat-dapat sa isang miyembro ng Kongreso.

Matatandaang umalis si Barzaga sa NUP matapos umano siyang akusahan ni Puno na may kinalaman sa planong patalsikin si House Speaker Martin Romualdez.