--Ads--

Inihayag ng National Public Transport Coalition na dapat maging maayos ang paninita ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) sa mga jeepney drivers na nakikitaan ng paglabas sa batas-trapiko.

Ito ay matapos ang mga napapaulat na umano’y panggigipit ng SAICT sa mga tsuper sa pamamagitan ng panghuhuli, paninicket, at pagpapataw ng multa sa mga driver kahit kumpleto naman ang mga ito sa dokumento.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay NPTC convenor Ariel Lim, sinabi niya na pabor siya sa paninita sa mga tsuper na may paglabag subalit kinakailangang maging patas upang maiwasan ang pang-aabuso.

Dahil dito ay nagsagawa na rin ng tigil-pasada ang ilang grupo sa transportasyon bilang pagkiling sa umano’y panggigipit sa mga tsuper.

--Ads--

Ayon kay Lim, ang SAICT ay dapat katuwang lamang ng Land Transportation Office sa pagbabantay sa kalsada at mas mainam kung pagtuunan na lamang ng pansin ng mga ito ang pagsita sa mga sasakyang hindi road-worthy upang maiwasan ang mga road crash incidents.

Maaari naman aniya silang manghuli ng mga Colorum subalit mas mainam kung mayroon silang kasama na mga taga-LTO at LTFRB na bihasa sa usapin ng prangkisa upang maiwasan ang labis na paninicket sa mga nasisitang tsuper.

Liban sa colorum dapat ay maipagpatuloy din ang motorvehicle inspection na isang layunin para maisulong ang road worthiness.