Natagpuang tinanggalan ng mga bahagi o “chop-chop” ang isang motorsiklo na unang ipinarada lamang ng may-ari, isang estudyante, sa harap ng kanilang boarding house sa San Fabian, Echague, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Abner Accad, Deputy Chief of Police ng Echague Police Station, sinabi niyang nawawala ang motorsiklo simula pa noong Linggo ng gabi at natagpuan ito kinabukasan sa hindi kalayuan mula sa boarding house ng biktima. Nachop-chop na umano ang mga parte ng motorsiklo at kinuha ang mga mamahaling bahagi nito.
Ayon pa kay PCpt. Accad, huling ginamit ang motorsiklo ng pinsan ng biktima at iniwang nakaparada sa harap ng boarding house, kung saan naiwan din ang susi nito. Posible umanong ito ang napansin ng mga suspek kaya’t madaling naisakay at nadala ang motorsiklo.
Dinala umano ang motor sa Barangay Buneg, kung saan kinuha ang mga mahahalagang bahagi nito, at itinapon sa irigasyon ang mga natirang parte.
Sinuri naman ng pulisya ang CCTV footage mula sa lugar upang matukoy ang mga responsable, kabilang na ang pag-e-enhance ng video quality.
May sinundan ding lead ang mga awtoridad matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa isang indibidwal na umano’y nagbebenta ng mga bahagi ng motorsiklo sa social media na naging dahilan ng pagkahuli ng mga suspek.











