Hindi nakadalo sa Commission on Elections o Comelec nitong Lunes ang abogado ni Senador Francis “Chiz” Escudero upang magsumite ng affidavit kaugnay ng P30 milyong donasyong ibinigay umano sa mambabatas ng isang kontratista.
Sa halip humiling umano ito ng palugit para sa pagsusumite ng naturang dokumento.
Gayunman sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na walang problema sa Comelec ang kahilingang palugit dahil hindi naman umano “mandatory” o mahigpit ang itinakdang petsa para sa pagsumite ng affidavit.
Matatandaang naglabas ng show cause order ang Comelec kay Senator Escudero na nag-aatas sa senador na ipaliwanag ang P30 milyong donasyong natanggap umano noong 2022 elections mula kay Lawrence Lubiano na Presidente ng Centerways Construction and Development Inc.
Ayon kay Garcia, maaaring personal na dumalo si Escudero sa Comelec sa Oktubre 13, 2025 o magsumite ng affidavit sa pamamagitan ng kanyang abogado.
Gayunman, hindi tinukoy ng Comelec chief kung kailan eksaktong maghahain ng affidavit ang kampo ng senador.
Nauna nang pinadalhan din ng show cause order si Lubiano upang ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat kasuhan ng paglabag sa Omnibus Election Code kaugnay ng nasabing donasyon.
Batay sa Section 95 ng naturang batas ipinagbabawal sa mga natural o juridical persons na may kontrata o sub-contractor sa pamahalaan na magbigay ng kontribusyon o donasyon para sa mga layuning partisan political activity.
Nakasaad din sa parehong probisyon na labag sa batas para sa sinumang tao na humingi o tumanggap ng donasyon mula sa mga kontratista ng gobyerno.
Ayon kay Garcia, iginiit ni Lubiano sa kanyang affidavit na ang nasabing donasyon ay ginawa niya sa kanyang personal na kapasidad at hindi mula sa pondo ng kanyang kumpanya.










