--Ads--

Rumampa sa entablado ang 17 kandidata para sa preliminary competion ng Miss Tourism Philippines 2025 kung saan ipinakita ng mga naggagandahang kandidata ang kanilang talent, creative attire, at evening gown.

Ang naturang pag rampa ay ang unang pagrampa ng mga kandidata bago ang Coronation night na gaganapin sa araw ng Huwebes, ika-16 ng Oktubre sa FL Dy Coliseum.

Kaugnay nito ay ipinakita naman ng mga kandidata ang kanilang determinasyon upang maiuwi ang Korona.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Bb. Astynne Kaira Clavel, representative ng Alicia, Isabela, sinabi niya na handang handa siya sa pagrampa sa entablado dahil tatlong taon pa lamang siya nung bata ay sumasabak na siya sa mga pageant.

--Ads--

Dagdag pa niya, bagaman marami na siyang nasalihan ay hindi naman niya masasabi na advantage niya ito dahil naniniwala siya na wala sa bata o tanda at wala sa experience ang labanan dahil kahit bata pa ang ilan sa mga katunggali niya ay masasabi niyang magagaling ang lahat.

Umaasa naman si Bb.Clavel na makapag-uuwi ulit siya ng titulo lalo pa at tugma ang Miss Tourism Philippines sa kanyang kurso ngayon na Tourism Management.

Ayon pa sakanya, malaking challenge lamang sa financial ang kanyang kinahaharap ngayon subalit hindi ito dahilan upang hindi siya sumali.

Pinasasalamatan niya naman ang lahat ng mga sumuporta sakanya sa pagharap sa entablado

Samantala, Isa sa mga kalahok na nagpahayag ng kanyang karanasan ay si Maria Victoria Pracedes, kinatawan ng Quezon City. Ayon sa kanya, hindi naging madali ang paghahanda para sa kompetisyon dahil isa siyang registered nurse at kasalukuyang medical student, dahilan upang maging hamon ang paghahati ng oras sa pag-aaral at sa pageant.

Gayunpaman, inamin ni Pracedes na labis siyang nagagalak sa pagkakataong maging bahagi ng ganitong malaking patimpalak, lalo na’t ito ang unang beses niyang sumabak sa isang beauty pageant. Dagdag pa niya, ang pagiging totoo sa sarili at ang kanyang kumpiyansa ang naging susí upang siya ay mag-stand out sa kompetisyon.

Inaasahan na sa nalalapit na grand coronation night, masusubok pa ang galing at dedikasyon ng mga kandidata sa pagnanais na maging susunod na Miss Tourism Philippines 2025, na magsisilbing ambassadress of tourism ng bansa sa loob ng isang taon.

Pinaanyayahan naman ni Miss Tourism Philippines CEO Amelia Amy Abarquez ang mga pageant enthusiast na suportahan ang Miss Tourism Philippines 2025 na gaganapin sa October 16 dito sa Lunsod ng Cauayan.

Samantala, nagpahayag naman siya kaugnay sa pag backout ng ilang mga kandidata dahil mula sa orihinal na 25 candidates labing pito na lamang ang sasalang sa kompetisyon.

Aniya ang pangunahing dahilan dito ay usaping pinansyal at ang layo ng venue gayunman pag-aaralan nila sa susunod na taon kung ano ang maaaring gawing kasunduan para hindi basta batsang makapag backout ang mga kanidata sa patimpalak.

Siniguro din niya na magiging patas ang judging sa mga kandidata kahit pa may ilang judge na mula mismo sa Cauayan City.