Buong suporta ang ipinahayag ni Isabela Governor Rodito T. Albano III sa panawagan na ipagbawal ang pagbili ng inangkat na bigas ng mga ahensya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan (LGU), bilang hakbang upang bigyang-priyoridad ang direktang pagbili ng lokal na bigas mula sa mga Pilipinong magsasaka.
Ang paninindigang ito ay tinalakay at napagkaisahan sa ginanap na Rice Summit, na dinaluhan ng mga pangunahing lider ng bansa mula sa lehislatibo, ehekutibo, at lokal na pamahalaan.
Kasama sa mga lumahok sa naturang pagpupulong sina Senador Kiko Pangilinan, House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, Kalihim ng Agrikultura Francisco “Kiko” Laurel, Kalihim ng Repormang Pansakahan Conrado Estrella III, ULAP National President at Quirino Governor Dax Cua, Quezon Representative at Chair ng House Committee on Agriculture and Food Mark Enverga, Apayao Representative at Chair ng House Committee on Agrarian Reform Leah Bulut-Begtang, at League of Municipalities of the Philippines (LMP) National President at Echague Mayor Faustino “Inno” Dy V.
Ayon kay Governor Albano, mahalagang suportahan ang mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng pagbili ng kanilang ani, sa halip na umasa sa mga inangkat na bigas na mas lalong nagpapahirap sa sektor ng agrikultura sa bansa.
Layon ng panukalang ito na mapatatag ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka, mapataas ang kita ng mga ito, at maitaguyod ang food security sa bansa.








