--Ads--

Maglalabas ng Executive Order (EO) ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela na magbibigay ng kapangyarihan sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno upang bilhin ang ani ng palay ng mga magsasaka.

Ito ay isa sa mga napagkasunduan sa isinagawang Rice Summit, na nilahukan ng mga lokal at nasyunal na opisyal upang bigyang-solusyon ang patuloy na pagbagsak ng presyo ng palay sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Governor Rodolfo “Rodito” Albano III, sinabi niyang sa pamamagitan ng naturang EO ay ipauubaya sa mga Local Government Units (LGUs), National Food Authority (NFA), at iba pang kaukulang ahensya kung paano gagastusin ang pondong ilalaan sa direktang pagbili ng palay mula sa mga magsasaka.

Nilinaw naman ng gobernador na bibigyang-priyoridad muna ang mga lalawigang pangunahing gumagawa ng palay sa implementasyon ng nasabing EO.

--Ads--

Sa pamamagitan ng executive order, ipagbabawal sa lahat ng ahensya ng gobyerno ang pagbili ng bigas mula sa ibang sources, upang hikayatin ang pagbili direkta mula sa lokal na produksyon.

Bukod dito, rerepasuhin din ang implementasyon ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF). Ayon sa gobernador, ang mga buwis na nalilikom mula sa rice imports ay dapat direktang mapunta sa mga lokal na magsasaka bilang suporta sa kanilang kabuhayan.