Agad na ipinakuha ng Alkalde ng Jones, Isabela ang inventory ng mga flood control projects mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang masubaybayan at mamonitor ang mga ito nang maayos.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Nhel Montano ng Jones, Isabela, simula pa noong 2022, nang maupo siya bilang alkalde, ay naging kumpleto at naisagawa ang mga proyekto sa flood control.
Aniya, ayon sa mga barangay opisyal, naging malaking tulong ang mga ito sa kabuhayan ng mga mamamayan, lalo na sa mga lugar na dating madaling bahain.
Nananawagan din ang mga opisyal ng barangay na sana’y madagdagan pa ang river control projects dahil sa napakahabang ilog na dumadaloy sa bayan ng Jones.
Kaugnay sa mga usapin online, nagbigay-linaw si Mayor Montano sa mga lumalabas na komento tungkol sa pondo ng mga proyekto.
Ipinunto niyang bilang lokal na opisyal, wala siyang kontrol sa kung ano ang inilalabas ng national government, at wala rin siyang magagawa sa halaga ng proyektong ipinababa.
Ayon sa kanya, maaring ang prayoridad ng kasalukuyang administrasyon ay ang proteksyon ng mga pananim at kalikasan, kaya’t maraming flood control projects ang naipatupad. Dagdag pa niya, balanse rin naman ito dahil may mga social projects din na naibaba sa kanilang lugar.
Nilinaw rin ng alkalde na hindi siya humiling ng mga flood control projects na ito, dahil nakatanggap na ito ng notice at award mula sa national government bago pa man niya ito aprubahan. Kinonsulta niya ang mga opisyal ng barangay, at sumang-ayon ang mga ito na kailangan nga ang mga proyekto.
Sa usapin naman ng kalidad ng mga proyekto, sinabi ni Mayor Montano na minimal lamang ang mga nasirang bahagi tuwing may kalamidad, at agad namang naaaksyunan ang mga ito. Ito ay kahit wala pang mga isyung lumalabas kaugnay sa anomalyang nauugnay sa mga flood control projects.
Patungkol sa mga akusasyon na ginagamit umano ang mga proyektong ito para sa vote-buying, iginiit ni Mayor Montano na hindi siya sangkot dito. Simula raw nang tumakbo siya sa pulitika ay hindi siya bumili ng boto, at ang ganitong gawain ay nakadepende sa iba pang mga politiko.
Sa huli, nanawagan si Mayor Montano sa kanyang mga nasasakupan na maging propesyonal sa pagbibigay ng komento, at mas mainam na pag-aralan at suriin muna ang mga sitwasyon upang walang madamay na inosente.











