--Ads--

Handa na ang Cauayan City Police Station upang tiyakin ang seguridad ng lahat ng dadalo sa gaganaping Miss Tourism Philippines 2025 mamayang gabi.

Ayon kay PLTCOL Avelino Canceran Jr., hepe ng Cauayan City Police Station, mahigit isandaang pulis ang ikakalat sa loob at labas ng coliseum upang masiguro ang kaligtasan ng mga kalahok, manonood, at bisita. Inaasahan din nila na hindi lamang mga taga-Cauayan ang dadalo, kundi maging mga bisitang magmumula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa probinsya ng Isabela.

Katuwang ng PNP Cauayan sa pagpapatupad ng seguridad ang Bureau of Fire Protection (BFP), Rescue 922, at Public Order and Safety Division (POSD). Ang mga paghahandang ito ay resulta ng serye ng mga pagpupulong na isinagawa ng mga ahensya upang matiyak na magiging maayos at mapayapa ang buong patimpalak pagandahan.

Nagpaalala rin si PLTCOL Canceran sa publiko na huwag magdala ng mga ipinagbabawal na gamit tulad ng mga patalim, ipinagbabawal na gamot, at iba pang bagay na maaaring makasira sa kaayusan ng programa.

--Ads--

Layunin ng mga otoridad na matiyak na magiging ligtas, tahimik, at matagumpay ang prestihiyosong pageant na inaabangan hindi lamang ng mga taga-Cauayan kundi pati na rin ng mga taga-ibang bahagi ng Pilipinas.