--Ads--

Bumibisita sa mga tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa Region 2 ang bagong LTO Regional Director Francis Rey Almora upang personal na ipatupad ang mga bagong patakaran. Isa sa mga mahigpit na tututukan ni Almora ay ang pagbabawal sa paggamit ng wang-wang, blinkers, at mga modified na sirena, na madalas gamitin ng ilang motorista kahit hindi otorisado.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Almora na paiigtingin nila ang pagbabantay laban sa mga motoristang gumagamit ng mga nasabing kagamitan. Ayon sa kanya, hindi magkakaroon ng exemption, maliban na lamang sa mga lehitimong sasakyan ng gobyerno gaya ng police patrol cars at iba pang emergency vehicles.

Ang hakbang na ito ay kaugnay ng direktiba mula sa Department of Transportation (DOTr) na nagbabawal sa paggamit ng wang-wang, blinkers, at iba pang signal devices ng mga opisyal sa DOTr Central Office, sectoral offices, attached agencies, at mga government corporations.

Kasabay nito, inatasan ng DOTr ang mga opisyal na gumagamit ng protocol plates na isuko ang mga ito, at ang LTO ang naitalagang ahensya upang ipatupad ang nasabing kautusan. Inutusan din ng DOTr ang LTO na magsumite ng imbentaryo ng lahat ng naipamahaging protocol plates at suriin ang ilang bahagi ng Joint Administrative Order (JAO) 2024-001.

--Ads--

Layunin ng JAO na isaayos ang proseso ng pagbibigay ng protocol plates upang maiwasan ang maling paggamit at pang-aabuso ng ilang matataas na opisyal at maging ng ilang pribadong indibidwal.

Tiniyak naman ni Director Almora na patuloy ang pamamahagi ng mga plaka para sa mga motorista na wala pa ring permanenteng plaka. Ayon sa kanya, marami na silang naipamahagi sa mga car at motorcycle dealers, ngunit may ilang dealers ang nagbabalik ng plaka dahil hindi ito kinukuha ng mga may-ari.

Dahil dito, nanawagan siya sa mga motorista, lalo na ang mga may rehistrasyon noong taong 2018 pababa, na dumulog na sa LTO upang kunin ang kanilang plaka. Kung hindi sila makakadiretso sa opisina, maaari umano itong ipadala gamit ang courier.